Wednesday, April 22, 2009

kahapon

Kahapon, tinangka kong baguhin ang mundo.

Isang hindi madaling desisyon para sa aking madalas manhid sa paligid. Sa akin na madalas ay walang pakialam sa iba. Tulad ng ilan pang maswerteng mga bata, lumaki akong protektado mula sa ugong ng masalimuot na mundo. Masasabing ang kabataan ko ay napuno ng mababaw na kaligayahan. Oo, batid kong nakulong ako sa saliw ng bilangguang marangya ngunit hungkag sa kabuluhan. Ngunit, ni minsan hindi ko naisip na sumilip sa labas ng bintana. Ni minsan, hindi ko ninais lumabas sa aking kulungan at lumanghap ng maitim at maruming usok. Nakuntento ako sa bilangguan ko. Sa daigdig na ako lang ang mahalaga.

Ilan taon din akong mistulang bulag. Sa kolehiyo ko natutunang magmulat ng mga mata. Nakita ko ang katotohanang dati’y pilit kong itinago sa likod ng aking mga alaala. Pinaringgan ko ang nakakarinding ingay na dati’y isinantabi lamang bilang imahinasyon. Pero nanatiling nakatikom ang aking bibig. Hindi ko ninais sumigaw. Pinili kong muli ang madaling daan. Ang daan ng duwag.

Hanggang kahapon.

Hanggang kahapon naging makasarili ako. At ikinahihiya kong ngayon lang ako kumilos. At ikinatatakot kong ang pagtatangkang ito ay huli na. Na ang paghahangad ko’y hindi magiging sapat. Natatakot akong ang munting ningas na aking nilikha upang magbago ay unti-unting maupos. Natatakot akong ang iglap ng liwanag ay lamuning muli ng dilim. Natatakot akong ang karimlan, makalasap man ng kaunting sinag, ay mananatiling karimlam. Takot na nagsisilbing liyab para lumaban. Hindi ko sinasabing gayahin mo ako. Hindi ko nais na sundan mo ang yapak ko. Ang tanging suhestiyon ko lang, pakinggan mo ang sarili mong tinig. Natanong mo ba ang sarili kung anong silbi mo sa mundo? Mananatili ka lamang bang parte ng istatistiko? Lumikha ka ng marka mo.

Hindi ko ginagarantisa ang ganap na tagumpay. Hindi ko rin sinasabing may sukli ang mga pagsisikap. Hindi ko na inaasahan yun. Bagaman tiyak na sa bawat pagdaan ng araw, kuntento ako. Meron akong ipinagmamalaki. Hindi man lantaran, at hindi dakila. Ngunit ito ay akin. At aking ipagpapatuloy. Babaguhin ko ang mundo. Panoorin ninyo ako.

No comments: