pagod na ang pluma, ubos na ang tinta.
hapo na ang isip, wala pa ring tugma.
mahirap talagang tumula. lalo na sa ipinanganak na hindi makata. tulad ko. kulang ang bokabularyo at limitado ang imahinasyon. at mas malala, walang inspirasyon.
pero ang utak ay nangungulit. kelangan atang mai-utot ang nararamdaman. bigyang-baho, bigyang-buhay ang sentimyento. kelangang kulayan ang emosyon.
ngunit blangko ang papel, kamay ay tila manhid
naiipit ang letra, napipipi ang awit
sinubukan kong tumula. ilang oras, ilang araw ding naka-tunganga sa kawalan. naiinip habang naghihintay sa mga letrang bubuo, kahit papaano, sa isang pangungusap na may kahulugan. ginawa ko na lahat. kinain, nilulon at isinuka ko na ang mga salita. tumambling-tambling na para maalog ang utak.
ngunit wala pa ring katha.
gusto ko sumigaw; ung malakas, ung masigasig
bagaman bingi at bulag lamang ang nakakarinig
pinilit kong tumula. tulad ng pagpilit kong sakupin ang mundo. at paulit-ulit akong bigo. pagod at paos na ko pero nanatiling salita lamang ang mga salita. at patuloy pa rin ang pag-inog ng mundo.
mailap sa akin ang tugma. at ang sining ng pagtula.
walang silbi ang pagpipilit; ito ay aking sumpa.
ito ay aking sumpa.
suko na ko.
Friday, March 14, 2008
nang subukan kong tumula
kabaliwan ni rena kinatha noong 4:44:00 PM
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment