Tuesday, January 29, 2008

atbp.

nagawa noong July 21, 2006; mejo luma na ang komposisyong ito, mula sa isang napabayaang mundo. naisipan ko lang ilagay dito bilang panimulang pagkilala sa baliw na nagasasayang ng oras nyo. hehe!

minsan nananadya talaga ang utak ko. parang nakakaloko. kase nag-oovertime lang sya sa mga ideya at kwento kung kelan hindi ko kayang isapapel ang daloy nito. katulad na lang kanina, habang nakasakay ako sa bus, tila walang tigil ang pag-andar ng makina ng utak ko. pero wala naman akong panulat. o kahit meron man, wala namang may kakayahang magsulat habang umaalog-alog sa bus.

madalas din akong bisitahin ng imahinasyon kapag patulog na ko. yung tipong tinatamad ka nang tumayo para kumuha ng lapis at papel.

pero kapag nasa harap ka na ng monitor at kinikindatan ng cursor (nakuha ko mula kay bob ong), tsaka naman dinesisyunan ng isip na manahimik. at kahit iuntog mo sa pader ng paulit-ulit ang bungo mo, wala pa ring maisukang salita.

imbyerna.
*****

may alagang aso ang nanay ko dati, si ernie. mahal na mahal ng nanay ko yun. ipinangalan ng nanay ko sa unang niyang boyfriend. sabi ng nanay ko, masunurin daw si ernie. atsaka mabait at malambing. hindi matigas ang ulo.

si ernie ang nagligtas ng buhay ko.

nag fetal distress kase si mommy sa akin dati. tatlong beses na pumulupot ung umbilical cord nya sa leeg ko. labindalawang oras in labor ang nanay ko. sankatutak na mura ang napala ng tatay ko sigurado.

dapat ceasarian ako. pero bigla na lang lumuwag ang paghinga ng naghihingalong nanay ko. si ernie naman (according to my lolo) ay paikut-ikot at hindi mapakali sa bahay. nung oras na iniluwal ako ni mommy, yun din ang oras na namatay si ernie. sa hindi malamang dahilan. sabi nila, niligtas daw ako ni ernie. binigay ni ernie ang buhay nya sa akin.

kaya siguro mahilig ako sa aso. kase ang kaluluwa ko ay sa aso. kabaligtaran nga lang ni ernie. matigas kase ulo ko. at hindi ako masunurin.

ilang linggo lang ang nakakaraan, muntik na kong maaksidente kase may iniwasan akong aso sa daan.

naisip ko, dahil sa aso ako nabuhay. dahil sa aso rin ako mamamatay...
*****

sabi ng mga ka-opisina at kaibigan ko, ang trip ko daw sa mga lalake, kung hindi mukhang busabos, mukhang sanggano. ang sabi ko naman, at least wala akong kaagaw. trip ko rin naman ang mga nerd at artistically inclined. kase bobo ako pagdating sa arts.

kaya nanggigigil ako sa mga taong sobrang talentado pero ayaw ipagpatuloy ang mga pangarap.

nagpaparinig ako. sana tamaan ang pinapatamaan.

*****

base sa totoong kwento nung 1950’s:

nagpakasal si babae kay lalake dahil nahalikan ni lalake si babae sa kamay.

akalain mo, nahalikan lang sa kamay, nagpakasal na agad?!

sabi nga ng lola salome ko, tanga ang mga tao noon. sabay tawa ng malakas. nakitawa naman ako, nagpapanggap na matalino.

pero para sa akin, mas tanga ang mga tao ngayon. katulad ko.

*****

kung isa ako sa mga karakter sa Batibot, ako si Sitsiritsit. siya ung laging kasama ni Alibangbang. mga alien sila na laging nagtatanong. ganun ako eh. palatanong at madalas ligaw.

*****

“para kang ni-rape ng sampung preso.”

laging sinasabi yan ni tita (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.). para raw akong ni-rape ng sampung preso. kakaiba rin ang lohika nya noh? ni-rape. at hindi lang basta-basta ang nang-rape. preso. hayok sa laman. at hindi lang isa. SAMPU!

yan ang analogy niya sa kung paano ako maglakad. ang pangit ko daw kase maglakad. kung maglakad daw ako, “parang ni-rape ng sampung preso.”

*****

wala akong hilig sa alahas. o kahit na anong palamuti sa katawan. siguro kase ako ang pinaka-burarang taong kilala ko.

at ang pinakatamad.
*****

hanggang ngayon, pag tinatanong ko ang sarili ko kung bakit ako nag-engineering, wala pa rin akong sagot. naki-uso lang siguro ako. o dahil parehong inhinyero ang mga magulang ko.

sa totoo lang, gusto kong maging voice talent.

*****

hindi lang pala ako ang ayaw sa katahimikan. marami pala kami. dahil sa katahimikan, mas maugong ang realisasyong nag-iisa ka. sa katahimikan, napakaingay ng kalungkutan.

ang maganda lang sa katahimikan, mas masipag ang emosyon. mas sensitibo ang puso. mas mabilis ang agos ng mga salita. mas tapat ang komposisyon.

marami ang nagsasabi na walang taong masaya ang nagsusulat. dahil masyado silang maligaya para bigyan ng pansin ang iba pang emosyon.

pero bakit ako? masaya naman ako ah! at ito ang pinakamahabang komposisyon na naisulat ko.

1 comment:

Anonymous said...

very nice!! galing rena! saludo ako! - Randolph